Hindi lang magkamukhang-magkamukha ang kambal na sina Jerald at Jerome ng Alicia, Bohol, dahil pati ang kanilang problema sa pangangatawan, magkapareho rin.

Bagaman nakatitiyak ang kambal sa kanilang sarili bilang mga lalaki, ang kanila namang dibdib, lumalaki.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," lumalabas na 36 inches-cup A, ang sukat ng dibdib ng kambal.

Kaya napipilitan sila na gumamit ng supporter kapag naglalaro ng basketball at nagsusuot din ng maluluwag na damit para hindi mapansin ang kanilang dibdib.

Nagiging tampulan din daw ng tukso ang dalawa.

Pero dahil sa kahirapan, hindi maipasuri sa dalubhasa kung ano nga ba ang kondisyon ng kambal.

Napag-alaman na ang lola ang nagpalaki sa kambal mula nang pumanaw ang kanilang ina at nagkaroon ng problema sa pag-iisip ang kanilang ama.

Ngunit dahil matanda na ang kanilang lola, natigil na sa pag-aaral ang kambal at ngayon ay namamasukan bilang helper para sila naman ngayon ang umalalay sa kanilang lola.

Pero bukod sa lumalaki nilang dibdib, mayroon din palang kondisyon ang kambal sa maselang bahagi ng kanilang katawan kung kaya paupo sila kung umihi sa halip na patayo tulad ng mga lalaki.

Lalaki nga ba talaga ang kambal o sila ay talagang mga babae? Alamin ang kasagutan sa video na ito matapos silang ipasura sa mga duktor. --FRJ, GMA News