Humingi ng paumanhin ang mambabatas na kapartido ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, matapos na maispatan sa House of Commons Zoom conference na hubo't hubad.

Sa mga lumabas na video at larawan, makikita ang mambabatas na si William Amos, miyembro ng Liberal MP, na natatakpan lang ng hawak na cellphone ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa Twitter post ng 46-anyos na si Amos, inihayag niya na kahiya-hiya ang nangyari at humingi siya ng paumanhin sa kaniyang mga kapwa mambabatas.

"I made a really unfortunate mistake today & obviously I'm embarrassed by it," anang mambabatas na nangakong hindi mauulit ang nangyari.

"My camera was accidentally left on as I changed into work clothes after going for a jog. I sincerely apologize to all my colleagues in the House. It was an honest mistake + it won't happen again," patuloy niya.

 

 

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, hindi naman nagsalita sa virtual session ng kapulungan si Amos nang mangyari ang insidente.

Kung nagsalita siya nang walang saplot, paglabag iyon sa kanilang House of Commons guidebook.

Nakasaad kasi 'Rules of Order and Decorum', na walang dress code sa oras ng kanilang debate pero dapat ang lalaking magsasalita, "must be wearing contemporary business attire" tulad ng jackets, shirts at ties.

Hindi rin kaagad nalaman ng publiko ang insidente dahil sa internal feed lang ng House of Commons naipakita ang nangyari.

Nagpaalala naman sa kaniyang mga kapwa mambabatas si Claude DeBellefeuille, na mula sa hanay ng oposisyon, na dapat silang magbihis lagi at maging maingat sa camera.--AFP/FRJ, GMA News