Palaisipan at nagdulot ng pangamba sa mga residente sa isang barangay sa Cabugao, Ilocos Sur nang maglabasan ang napakaraming bulate na mayroon umanong mga "paa" sa kanilang baybayin.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng isang residente na ang mga batang naglalaro sa tabing-dagat ng Barangay Sabang ang unang nakakita sa mga bulate.
"Bale tapat namin ang dagat na biglang nagkagulo yung mga batang naglalaro sa tabing-dagat," ayon sa residenteng si Carl Jomari Rebogio.
Sa video na kuha ni Rebogio, makikita ang mga bulate na kulay asul at brown.
Tinatayang nasa 10 pulgada ang kanilang haba.
Dakong 7:00 pm daw nang nakita ang mga bulate at unti- unting nawala dakong 10:00 pm.
Ayon kay Rebogio, hindi naman polluted ang kanilang dagat kaya nagtataka sila kung saan nanggaling ang mga bulate.
Nangangamba ang mga mangingisda na baka maapektuhan nito ang kanilang kabuhayan.
Sinabi naman ni Nereo Daproza, pinuno ng Cabugao-DRRMC, na kukuha ng specimen ng mga bulate ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para masuri.
Idinagdag ni Daproza na batay sa tauhan ng BFAR na kaniyang nakausap, ito umano ang unang pagkakataon na nakita nila ang napakaraming bulate.
Pinayuhan din niya ang mga tao na kung magpapakita muli ang mga bulate, makabubuting huwag itong hawakan dahil baka mayroon silang nakalalasong kemikal.--FRJ, GMA News