Mistulang "binasbasan" ng Prime Minister ng Thailand na si Prayuth Chan-ocha ng hand sanitizer ang mga mamamahayag sa kaniya mismong press conference para maiwasan umano ang mga matinding tanong.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nagulat at nagtaka ang mga mamamahayag nang biglang itigil ni Prayuth ang kaniyang presscon at lumapit sa mga mamamahayag at inispreyan sila ng hand sanitiser.

Sa video, hindi madinig kung ano ang sinasabi ng Punong Ministro sa mga mamamahayag habang patuloy ang pag-spray niya sa mga ito.

Bago nito, nairita umano si Prayuth nang matanong tungkol sa mga listahan ng mga posibleng ipalit niya sa mga nabakanteng puwesto ng kaniyang Cabinete. Dulot ito ng pagkakakulong ng tatlo niyang ministro dahil sa insureksiyon sanhi ng protesta pitong taon na ang nakalilipas.

“Is there anything else to ask?,” saad ni Prayuth habang nakatayo sa podium. “I don’t know, I haven’t seen it. Isn’t it something the prime minister should know first?”

Matapos niya ay umalis sa podium ang Punong Ministro, kumuha ng maliit na bote ng sanitizer, marahan na lumapit sa mga mamamahayag at sinimulang mag-spray habang itinatakip sa mukha ang hawak na surgical mask.

Si Prayuth, isang dating military coup leader, ay kilala umano sa kaniyang casual,  at kung minsan ay mga nakakatawang pahayag sa mga mamamahayag.  Pero madalas din siyang magalit. --Reuters/FRJ, GMA News