Nadiskubre ng mga residente sa isang hukay sa bakanteng lote sa Sarangani ang bangkay ng isang babae at isang lalaki na parehong may saksak sa katawan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nakita ang mga bangkay sa hukay na malapit sa isang inabandonang bahay sa Barangay Lun Padidu, sa bayan ng Malapatan sa Sarangani.

Walang pagkakakilanlan sa mga bangkay maliban sa tattoo na tigre sa kaliwang balikat ng lalaking biktima, na naka-brief lang nang matagpuan.

Samantala, maigsi naman ang buhok ng biktimang babae na may tattoo sa kaliwang braso na “Cherry” at “Cheekay.”

Ayon sa pulisya, parehong nagtamo ng saksak ang mga biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at mga salarin. -- FRJ, GMA Integrated News