Inihayag ni Jak Roberto na mali ang paniniwala ng iba na isang sabon lang ang gamit ng mga lalaki pagdating sa pagligo-- na gamit mula buhok hanggang sa paa. Para patunayan ito, ibinida ng aktor ang negosyo niya na skin care products na panglalaki pero puwede rin sa mga babae, at ang pinakamabente umano ay ang "masculine" wash.
Sa nakaraang episode ng "Pera Paraan," ikinuwento ni Jak na 2023 nang simulan niya ang kaniyang negosyo na "JC Essentials.”
“Grabe, sobrang challenging po. Kasi una 'yung papers, 'yung mga business permit. Siyempre 'yung mga office. Kasi requirements 'yan para makapag-apply ka ng business permit. Doon ako naglabas ng kapital,” sabi ni Jak.
“One person corporation ako eh. Wala akong partners. Kaya ako talaga kailangan 'yung gumalaw. Kailangan mag-isip ng strategies, mag-isip ng mga marketing. Kailangan meron kang logo, meron kang brand name, product name,” dagdag ng aktor.
Naobserbahan din ni Jak ang pagkakapareho ng pagnenegosyo at pagiging artista.
“Sa umpisa, hindi ka agad magbibigyan ng break. Pero sa katagalan hanggang napapatunayan mo 'yung sarili mo, 'yung product, napapatunayan mo sa consumers and nata-try nila, doon ka pa lang unti-unti na umaangat,” anang Kapuso actor.
Hands-on si Jak sa kaniyang negosyo, na e-commerce o online na ang pagbebenta, sa pamamagitan ng pag-promote sa social media.
“'Yung mga tao naman, mas easy access sa kanila na magpa-deliver na lang. Order online kasi ngayon may mga free shipping naman,” paliwanag ni Jak.
Dagdag ni Jak, gusto niya na “by word of mouth” ang kaniyang pagbebenta. Mayroon na rin sila ngayong repeat orders at mga distributor.
Best-seller umano sa mga produkto niya ang masculine wash, na puwedeng panglinis sa maselang parte ng katawan ng kalalakihan.
“Genital wash siya. 'Yung product po na yun na masculine wash, puwede rin siya sa underarms, sa mga batok, sa legs, sa mga singit-singit. 'Yung masculine wash, naisip ko kasi may friends ako na naghahanap. Na dati, bumibili pa sila sa ibang bansa. Hindi nila alam na meron na dito sa Pilipinas,” sabi ni Jak.
“Dinevelop ko siya. Ako mismo 'yung nag-iisip na kung ano 'yung mga dapat na content ng product. Anti-bacterial, mga pang-block ng bad odor,” paliwanag niya.
May dalawang variant ang kaniyang masculine wash, na fresh at active, kung saan ang isa ay may cooling effect.
Puwede rin itong gamitin sa mga bata, at maging sa mga kababaihan, dahil mayroon din itong pang-pH balance.
Mabibili ang mga produkto ni Jak mula P69 hanggang P199.
Noong nag-uumpisa pa lamang, mula P2,000 hanggang P4,000 lamang ang kinikita ni Jak sa dalawang oras na live selling. Ngunit dahil malakas ang live selling, umabot din ang kaniyang kita ng nasa P50,000 sa isang buwan noong nakaraang taon.
“Para sa akin, tini-take ko siya as a challenge. 'Yung paguran talaga normal ‘yun, kasi wala namang mabilis na trabaho talaga. So ‘pag dumarating ako sa point na gano'n, iniisip ko na ito 'yung pinangarap ko. Business ko na ito. Hawak ko na 'yung kung kikita siya o hindi. So kaya kailangan ko siyang tutukan, kailangan ko siyang talagang asikasuhin,” sabi ni Jak pagdating sa mga pagsubok na kaniyang kinahaharap sa negosyo.
Pagdating sa live selling, kailangan ding may mga pakulo, kaya naman hindi mawawala ang pagsasayaw-sayaw ni Jak bilang entertainment sa kaniyang audience.
“Kasi 'yung viewers mo and na-share at na-share nila 'yung live mo. So 'yung mga nakakapanood, nagkakaroon din ng idea, ano ba 'yung binebenta niya, ano 'yung product ba ‘yan, para saan ba ‘yan.”
Inilahad ni Jak ang positibo niyang pananaw tungkol sa pagnenegosyo.
“Wala ka naman talo kasi ‘pag sinimulan mo ‘to, ta’s hindi ka agad kumita o nalugi, at least may natutunan ka naman na sa susunod na business, alam mo na kung anong gagawin mo. And mag-isip sila noong mga bagay na gamay na nila, 'yung sa tingin niyo kapag sinimulan mo 'yung negosyong ito, kahit wala kang kasamang ibang tao o wala kang katulong, kaya mong itayo nang mag-isa,” payo ng aktor. --FRJ, GMA Integrated News