Ibinahagi ni Sofronio Vasquez, ang kauna-unahang Pinoy at Asian na nanalo sa "The Voice USA," na inalok siya ng tulong ng isa sa coaches ng programa na si Snoop Dogg, para madala niya sa Amerika ang kaniyang ina noong panahon ng kompetisyon.
Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Sofronio na naging mabuting magkakaibigan sina Snoop Dogg at ang coach niyang si Michael Bublé sa Season 26 ng The Voice USA.
Hanggang sa mapagkuwentuhan nina Snoop Dogg at Michael ang "humble beginnings" ni Sofronio sa Pilipinas.
"Meron pang ibang mga podcast na napag-uusapan nila 'yung humble beginnings ko na isang kuwarto lang, sa Pilipinas na mahirap and then nangarap," anang Filipino singer.
"They became so into the story, na na-open up ni Snoop Dogg kay Michael Bublé, 'Why not fly mom to America?'" pag-alala ni Sofronio na alok sa kaniya ni Snoop.
"The team of Snoop reached out to me, kasi most of the team na kasama ni Snoop Dogg are Filipinos din, 'yung mga PA niya, 'yung wardrobe rin, Filipinos mostly," kuwento pa ni Sofronio.
Ayon pa kay Sofronio, may ilan na naghinala na baka ang iniaalok na tulong ni Snoop Dogg ay paraan ng huli para agawin siya mula sa team ni Michael. Pero ayaw siyang pakawalan ni Michael.
Sa kabila nito, nagdesisyon ang ina ni Sofronio na huwag lumipad sa Amerika dahil gusto nito na mas pagtuunan ng anak ang kompetisyon.
"I am so happy at blessed ako na ganoon ang perspective ni mama, because we all had a dream. And of course ang mga nanay natin, ako specifically, gusto ko talagang andoon siya. Pero hindi ko nakita 'yung perspective niya na gano'n kasi, if we have our moms beside us, aasikasuhin mo. Thankful ako na ganoon ang concept niya," saad ng singer.
Sa finals ng paligsahan, napabilib ni Sofronio ang audience sa kaniyang rendition ng "Unstoppable" ni Sia at "A Million Dreams" mula sa "The Greatest Showman."
Sa video post ng The Voice sa Instagram, makikita na nililinis at inaalis ni Snoop Dogg ang mga confetti na nasa damit ni Sofronio nang itanghal siyang panalo sa kompetisyon. -- FRJ, GMA Integrated News