Nabidyohan ang rambulan ng grupo ng mga menor de edad sa Cagayan de Oro City. Ang dalawa sa kanila, itinulak hanggang sa mahulog sa bangin sa Coastal Road.
Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng isang lalaki na walang damit pang itaas na itinulak ang isa pang lalaking nakasuot ng puti hanggang sa mahulog ito sa bangin.
Makaraan ang ilang saglit, tumakbo sa lugar ang uploader ng video at doon niya nakita ang lalaking nahulog sa bangin.
Sa paghahanap nila ng nawawala umanong cellphone ng naturang lalaki, dito nila natuklasang may isa pang lalaki ang nahulog din sa bangin na hindi lang nakunan ng video.
Nirespondehan agad ng Cagayan de Oro City Police ang gulo.
"Itong dalawang menor de edad nagpahangin doon ayon sa kaniyang stepmother bigla lang daw nilapitan at inatake nitong grupo ng mga menor de edad," sabi ni Police Lieutenant Colonel Evan Viñas, spokesperson ng Cagayan de Oro City Police.
Sinabi ng mga awtoridad na nakilala na nila ang grupo na nambugbog at nanghulog sa dalawang menor de edad.
Hindi na rin nagreklamo ang pamilya ng mga ginulping lalaki.
Mas hinigpitan pa ng pulisya ang police visibility sa lugar, at nagsasagawa na rin sila ng follow-up operation. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News