Nahaluan ng katatawanan ang seryosong pagdinig ng isang korte sa Texas, USA via internet nang maging "pusa" ang isa sa mga dumalong abogado.
Sa ulat ng Reuters, sinabing pinamahalaan ni Judge Roy Ferguson ng 394th Judicial District Court sa Texas ang virtual court proceedings via Zoom nitong Martes.
Tatlong abogado ang dapat na kasama niya sa pagdinig pero napansin niya na dalawa lang ang tao sa screen at naging "pusa" ang isa dahil sa "filter."
Tila nanlaki naman ang mga mata ng isa pang abogado at nagsuot ng kaniyang salamin para suriin ang "pusa" na kasama nila sa pagdinig.
Ang isa pang abogado, napangiti na lang.
Napag-alaman na ang cute na "pusa" na may asul na mata ay si Attorney Rod Ponton, na magsabi sa hukom na, "I'm not a cat."
"Mr Ponton, I believe you have filter turned on in the video settings," anang hukom.
Ayon kay Ponton, inaayos na ng kaniyang assistant ang problema sa filter ng kaniyang computer.
"I'm here live, I'm not a cat," sabi ng abogado.
Sumagot naman ang hukom na; "I can see that."
Ipinost ni Ferguson sa Twitter ang video ng insidente na agad na nag-viral.
"IMPORTANT ZOOM TIP: If a child used your computer, before you join a virtual hearing check the Zoom Video Options to be sure filters are off," saad niya sa caption.
Ayon sa 69-anyos na si Ponton, ginamit ng kaniyang anak ang kaniyang computer bago siya dumalo sa virtual hearing.
Inaasahan daw niya na mukha ng mga tao ang makikita niya sa screen maliban sa kaniya na naging pusa.
Tinawag ni Ferguson na "fun moment" ang naturang insidente, at sinabi pang "a by-product of the legal profession's dedication to ensuring that the justice system continues to function in these tough times."
"Everyone involved handled it with dignity, and the filtered lawyer showed incredible grace," patuloy pa ng hukom. --Reuters/FRJ, GMA News