Nadismaya ang ilang residente sa isang barangay sa Cavite nang matuklasan nila na ang murang unan na kanilang nabili mula sa naglalako ay may palaman sa loob na mga face mask na gamit na.
Sa video ni Nolan Lodor, na mapapanood sa GMANewsfeed, makikita sa mga unan na nakahalo sa mga papel ang mga gamit na face mask.
"Puro face mask din po 'yung laman sa loob, mga gamit na rin po ito," sabi niya.
Nabili daw ni Lodor ang mga unan sa isang grupo ng mga kabataan na nag-iikot sa kanilang lugar.
Pero napansin niyang sobrang kapal ng mga unan kaya binuksan niya ang mga ito.
"Hindi ka kumportable ba, basta, nag-aalangan kang gamitin. Hindi ka kumportable, tapos, lalo na nu'ng nabuksan, nakakadiri na siya," ani Lodor.
Maliban sa kaniya, nakabili rin ng unan na may face masks ang kaniyang kapitbahay.
Napag-alaman din nila na halos isang barangay silang nabiktima ng mga una na may face masks na nagkakahalaga lamang ng P50.
Babala ni Dr. Gerald Belandres na may mikrobyo ang face masks tulad ng COVID-19 na maaaring makahawa ng mga nakapitan nito.--Jamil Santos/FRJ, GMA News