Umani ng matinding paghanga sa netizens ang ginawa ng isang British diplomat sa China nang tumalon siya sa ilog para iligtas ang nalulunod na babaeng estudyante. Ang kaniyang kabayanihan, nahuli-cam.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ang diplomat na si Stephen Ellison, British consul-general sa Chongqing.
Aksidente umanong nahulog ang estudyante sa ilog at saktong nandoon din si Ellison sa lugar na isang pasyalan.
Nang makita ng diplomat ang sitwasyon ng estudyante, kaagad siyang kumilos.
Sa video na ipinost sa Twitter account British embassy, makikita ang estudyante na nakataob at halos hindi na gumagalaw sa tubig.
Dahan-dahan na siyang tinatangay ng agos habang dinig naman ang hiyawan ng mga tao.
Matapos alisin ng diplomat ang kaniyang sapatos, tumalon na siya sa ilog.
Mayroon namang naghagis ng lifebelt kay Ellison na kaniyang hinawakan para madala sa gilid ng ilog ang estudyante, na kinalaunan ay nagkamalay din.
Ipinagmamalaki ng British embassy ang ginawa ng kanilang diplomat.
Ang tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na si Zhao Lijian, pinuri din ang kabayanihan ni Ellison.
“I want to give him a big thumbs up,” anang opisyal sa media briefing nitong Martes sa Beijing.-- Reuters/FRJ, GMA News