Kabilang ang singsing ng "King of Rock and Roll" na si Elvis Presley sa mga isasalang sa memorabilia auction sa Los Angeles. Ang naturang gold and diamond “TCB” ring, inaasahang maibebenta sa halagang hindi bababa sa $500,000 o katumbas ng mahigit P24 milyon.
Sa ulat ng Reuters, sinabing kabilang din sa mga ipasusubasta ay mga rock guitar at mga set of master tape mula sa Woodstock festival.
Ang naturang singsing ni Elvis ay inilarawan na una sa mga serye ng singsing na may "TCB" (Taking Care of Business) letter at lightning bolt motif na ginamit ng sikat na mang-aawit nang magbalik siya sa pagko-concert noong 1969 matapos na mag-focus sa pag-arte.
“It’s the quintessential Elvis jewelry piece,” ayon kay Brigitte Kruse, founder ng GWS Auctions.
A piece of the Elvis Presley’s prized jewelry is up for auction. A gold and diamond ‘TCB’ ring worn by ‘The King of Rock and Roll’ is expected to fetch more than $500,000 https://t.co/fOGfUJBNa5 pic.twitter.com/xymdtAXmA5
— Reuters (@Reuters) November 13, 2020
Paniwala ni Kruse, maaaring pumalo ang naturang singsing ng mula $500,000 hanggang $1 milyon, na kabilang sa 300 gamit na ipapasubasta sa Nobyembre 28.
Ang naturang singsing ay idinisenyo mismo ni Elvis at mayroong mga diamond at bigat na 9.81 carats. Ibinigay daw ito ng mang-aawit sa kaniyang opening band singer na si J.D. Sumner noong 1975.
Pumanaw si Presley noong 1977 sa edad na 42.
Kasama rin sa ipasusubasta ang 700 plus hours of tapes na tinatayang aabot sa $1.6 milyon ang halaga.
Kabilang sa tapes ang pagtatanghal ng mga legendary singer na sina Jimi Hendrix, Janis Joplin, The Who, at iba pang mang-aawit sa Woodstock.
“There’s just nothing to compare it to,” sabi ni Kruse sa posibleng maging presyo ng mga tape. “Every now and then we bump into those pieces that are truly exceptional and things you wouldn’t even think still existed.”--Reuters/FRJ, GMA News