Parang bata umano na napatalon sa tuwa ang isang lalaki nang makita at makunan niya ng larawan ang pambihirang Comet Neowise nitong Lunes ng gabi sa Odiongan, Romblon. Ang naturang kometa, pagkaraan pa ng 7,000 taon bago muling masisilayan sa mundo.

 


Ayon kay Leogiver Mañosca, isang guro sa Odiongan at kasalukuyang vice president ng Philippine Astronomical Society, smartphone lang ang ginamit niya nang kunan ng larawan ang kometa.

Kuwento niya, halos isang linggo na siyang nag-aabang sa nasabing kometa tuwing gabi.

"Nagawa kong makita ito. Ako ay tulad ng isang bata na tumatalon sa labis na pagkasabik nang ipakita ng kometa ang malabo nitong core at mahabang buntot," sabi ni Mañosca sa GMA News.

"Nakakatuwa dahil naging saksi ako sa mahabang paglalakbay ng kometa na ito sa paligid ng araw," patuloy niya.

Payo ni Mañosca sa mga nais na makita ang kometa, maganda itong abangan sa paglubog ng araw dahil mas dumidilim daw ang kometa habang lumalayo ito sa araw.--FRJ, GMA News