Nagulat ang pamilya ng isang lalaki sa Cebu City nang makatanggap sila ng sertipikasyon mula sa lokal na pamahalaan na nagsasabing gumaling na sa COVID-19 ang kanilang kaanak. Pero ang naturang lalaki, pumanaw na pala noong Mayo 30 pa dahil sa naturang virus.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News sa “24 Oras” nitong Lunes, sinabing natanggap ng pamilya ng nasawing si Fructoso Mabatid, ang sertipikasyon na may petsang Hulyo 3 mula sa Cebu City health department na nagsasabing “clinically recovered” mula sa COVID-19 ang pasyente.
Ayon sa pamilya, hindi na nila nakita si Mabatid mula nang dalhin ito sa ospital.
Hindi rin daw nila nakita ang bangkay nito dahil kinailangang ilibing kaagad. Tatlong makaraan nito [Hunyo 2], kinumpirma ng mga awtoridad sa pamilya na positibo sa COVID-19 si Mabatid.
Sinasabing acute respiratory failure at pneumonia dahil sa COVID-19 ang ikinamatay ng pasyente.
“Sana po gawin nila nang maayos ‘yong trabaho nila dahil naiintindihan po namin na mahirap naman talaga ‘yong trabaho nila pero sana ‘di na 'to mangyari ulit,” sabi ni Dorathy Valencia, apo ni Mabatid.
“Sana magbigay to ng leksyon sa kanila na mahirap tanggapin sa iba ang nagawa nila at sana hindi ito mangyari sa iba,” patuloy niya.
Sa isang pahayag, inako ni Cebu City health officer Dr. Daisy Villas ang buong responsibilidad sa naturang naibigay na sertipikasyon.
Ayon kay Villas, nagkaroon ng “apparent miscommunication and clerical error” sa bahagi ng health personnel sa Barangay Kamputhaw at city health office staff na nakatalaga sa pagbibigay ng sertipikasyon sa mga clinically recovered individual.
“It is with deep regrets that this unfortunate incident happened during these challenging times. We humbly apologize and sympathize with the family,” sabi pa ng opisyal.
Sinabi naman ni Department of Health Central Visayas assistant regional director Dr. Guy Perez, na susuriin nila ang naturang usapin.
“Ire-review natin yan. Kino-coordinate natin ‘yong ating reporting at tsaka ‘yong mga cases so basically, these are the things we need to improve,” ayon kay Perez.
Sa ngayon, mayroong 7,439 na kaso ng COVID-19 sa Cebu City, kung saan 3,292 ang active cases at 359 ang nasawi.--FRJ, GMA News