Sinalakay ng tropa ng mga unggoy ang isang medical official sa India at tinangay ang dala niyang sample ng dugo ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
Sa ulat ng Reuters, sinabing naglalakad ang laboratory technician sa isang state-run medical college sa Meerut sa Uttar Pradesh nang atakihin siya ng mga unggoy.
“Monkeys grabbed and fled with the blood samples of four COVID-19 patients who are undergoing treatment ... we had to take their blood samples again,” ayon ni Dr S. K. Garg, opisyal sa pamantasan.
Hindi pa alam ng mga awtoridad kung ano ang ginawa ng mga unggoy sa blood samples. Pero nangangamba ang mga taong naninirahan malapit sa pamantasan na baka magdulot ng pagkalat ng COVID-19 sa lugar ang ginawa ng mga unggoy.
Ayon kay Garg, hindi pa malinaw kung nahahawahan ng COVID-19 ang mga unggoy kung malalapit sila sa infected blood ng pasyente.
Sa ngayon, mayroong 165,799 kaso ng coronavirus sa India, kasama ang 4,706 pasyente na nasawi.
Dahil sa pagkasira ng kagubatan, dumadami na ang mga unggoy sa India na nakikita sa mga lugar na kinaroroonan ng mga tao para maghanap ng makakain. --Reuters/FRJ, GMA News