Iba't ibang paraaan ang ipinatutupad ng mga lokal na opisyal sa Indonesia para mapasunod sa health protocols ang kanilang mga kababayan para hindi na kumalat ang COVID-19. Ang isang probinsiya, nilalagyan ng placard ang mga sumusuway, kukunan ng larawan at saka ipo-post sa social media.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing bukod sa pamamahiya sa mga pasaway sa hindi nagsusuot ng face mask o hindi sumusunod sa social distancing, ang iba pang lumalabag ay pinagbabasa ng Koran verses, at may mga inilalagay sa "haunted" houses.
Nagpakalat umano ang pamahalaan ng Indonesia ng 340,000 tauhan na ikakalat sa iba't ibang lungsod para hulihin ang mga pasaway at ipatupad ang mga hakbangin para matigil ang pagkalat ng virus.
Sa lalawigan ng Bengkulu, ang mga nahuhuling pasaway ay pinapahawak ng placard na may nakasulat na nangangako silang magsusuot na ng face mask at susunod sa physical distancing. Kukuhanan sila ng larawan at ipo-post sa social media.
"People in Bengkulu still aren't aware of the importance of following the rules, especially when it comes to wearing masks and not gathering in big groups," sabi ni Martinah, public order agency chief ng Bengkulu.
"This is for the sake of themselves and their families," dagdag niya.
Kabilang sa nahuli ang isang mangingisda na walang face mask habang mag-isang nasa bangka.
"It's silly to wear a mask when I'm out at sea," anang mangingisda na hinuli pagbalik niya sa dalampasigan. "There's no regulation to wear a mask in the water. If there was I'd comply with it."
Sa lalawigan ng Aceh, na malaking bilang ng populasyon ay Muslim, pinagbabasa ng Koran ang mga lumalabag.
Samantalang pinagsasabihan naman ang mga lumalabag na hindi Muslim.
Sa Jakarta, pinaglilinis ng mga pampublikong pasilidad (tulad ng palikuran) ang mga mahuhuling lalabag. Ginagawa nila ang paglilinis habang may suot na vest na nakasaad na may nilabag silang batas.
Sa Sragen regency, ang mga nahuhuli ay inilalagay sa mga abandonadong bahay o gusali, na pinaniniwalang minumulto o haunted house.
Sa ngayong tinatayang mayroong 24,000 COVID-19 cases ang Indonesia, at 1,496 sa mga ito ang nasawi. --AFP/FRJ, GMA News