Sa pag-aakalang sisiw ng alagang manok ang dinagit ng isang uwak, binato at nasagip ng isang residente sa Samal, Davao del Norte ang isang pambihirang paniki na puti ang kulay.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Gigi Senajonon, na Mayo 10 nang masagip ng kaniyang tiyuhin ang naturang paniki.
"Nakita niya po na may tinangay yung uwak kaya binato niya po yung uwak. Akala niya po yung sisiw ng alagang manok niya po yung tinangay ng uwak," ayon kay Senajonon.
Tinamaan ang uwak ang nabitawan nito ang tinangay na maliit na hayop na puti.
"Nung nilapitan niya po yung (ang inakalang sisiw) doon niya na po nakita yung puting paniki po. Sa tanang buhay po niya ngayon lang po siya nakakita ng puting paniki," patuloy ni Senajonon.
Sugatan umano ang paniki at nagkabutas din ang pakpak nito. Sa isang puno na malapit daw sa kanilang bahay pansamantalang namalagi ang paniki.
Pero nitong Mayo 13, nawala na raw sa puno ang paniki.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) undersecretary Benny Antiporda, hindi dapat katakutan ang naturang paniki na isa umanong uri ng fruit bat.
Posible umanong nagkaroon ng genitic abnormality ang paniki kaya ito naging puti o "albino."
Hindi rin daw dapat ituring na malas ang paniki dahil ang katotohanan ay may naitutulong umano sila sa kalikasan dahil naipakakalat nila ang binhi ng mga prutas na kanilang kinakain.--FRJ, GMA News