Laking gulat ng isang security guard nang mag-viral ang larawan niya sa Facebook na may nakasulat pang caption na hinahamon niya ng away at papatayin si Pangulong Rodrigo Duterte. Ang nasa likod pala nito, ang misis niyang galit sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang naturang post na fake account pala gamit ang larawan at pangalan ng security guard.
“Duterte… mamamatay tao ka, kriminal, pinasara mo pa ABS-CBN. Hayop ka, ‘wag ka magtago sa Malacañang. Lumabas ka, suntukan tayo. Babasagin ko mukha mo. Papatayin kita,” saad sa post.
Dahil sa naturang post, hinanap ng mga tauhan ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation ang lalaki hanggang sa kanilang matunton. Pero lumitaw na hindi pala siya ang gumawa ng naturang account.
Kinabahan din umano ang sekyu dahil marami ang nagagalit sa kaniya at nagbabanta na rin sa kaniyang buhay.
“‘Yung dirty finger na po ‘yun, 2016 o 2017 pa po ‘yung picture na ‘yun. Tapos pinag-combine po sa picture ni sir Presidente Duterte na nag-post na hahamunin tapos pagmumurahin at papatayin ko po raw, sabi do’n sa post,” paliwanag security guard.
“E nag-viral na po, siyempre kinabahan ako, ang dami pong nagsasabi sa’kin na papatayin daw po ako, pinagbabantaan daw po ako ng mga tao,” dagdag niya.
Sa isinagawa entrapment operation ng awtoridad, nadakip nila ang tunay na may pakana ng fake account--ang dating misis ng security guard na itinago sa pangalang Shirley.
Inamin naman ng ginawa ang kasalanan na nagawa lang daw para makaganti sa kaniyang mister na nang-iwan sa kaniya.
“Sa sobrang galit lang po ta’s hindi ko po akalain na gano’n po ‘yung mangyayari, ‘yung magva-viral po,” ayon kay Shirley.
“Mr. President Duterte, humihingi po ako ng paumanhin sa inyo. ‘Di ko po gustong gawin na madamay po kayo sa away naming mag-asawa,” dagdag niya.
Nahaharap si Shirley sa mga reklamong identity theft at grave threats.
Kamakailan lang, isang guro at isang construction worker ang inaresto dahil sa magkahiwalay nilang post na nag-aalok sa social media ng "pabuya" sa makapapatay daw kay Pangulong Duterte.--FRJ, GMA News