Maagang nagdiwang ang ilang residente sa General Santos City na makakawala na sa anumang community quarantine simula sa May 16.  Pero may ibang lugar din na makakalaya na sa anumang "CQ" pero hindi lubos na masaya.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, may residenteng namigay ng free spaghetti para sa nalalapit nilang freedom sa community quarantine.

Ayon kay Joemar Plasabas, ang paghahanda at pamimigay ng masarap na makakain ay inisyatibo niya para sa kasiyahan ng mga kabataan sa kanilang lugar.

Ilang tanggapan din ng pamahalaan ang naghahanda para pag-iingat kontra sa hawahan ng COVID-19 sa sandaling magsimula na ang tinatawag na "new normal" kapag inalis na ang community quarantine.

Ang isang tanggapan, naglagay ng hugasan ng kamay sa bukana ng kanilang gusali, naglagay din ng mga marka sa mga kung saan puwedeng umupa para mapanatili ang social distancing.

Pero hindi lahat ng mga lugar na maaalis na sa enhanced community quarantine ay masaya na magsisimula na sila sa "new normal."

May ilang bayan na nais manatili ang paghihigpit sa pagkilos ng mga tao hanggang hindi pa ganap na nawawala ang panganib ng virus.

Si Arteche, Eastern Samar mayor Roland Boie Evardone, nais na manatili pa ang GCQ sa kaniyang lugar.

Si Tarangnan, Samar Mayor Arnel Tan, sinabing hindi kailangang magmadali para sa mawala na sa quarantine at sa halip ay mas mahalaga umano na matiyak ang kaligtasan ng mga tao laban sa virus. --FRJ, GMA News