KUMALARANG, Zamboanga del Sur - Isang kalabaw ang ipinanganak na may dalawang ulo nitong Lunes sa bayan ng Kumalarang sa Zamboanga del Sur.

Bukod sa dalawa ang ulo, dalawa rin ang ari ng kalabaw na ito na ipinanganak sa Purok 2, Barangay Boyugan East.

May apat itong mata at tatlong tenga.

 

Kakaiba ang kalabaw na ipinanganak nitong Lunes, Marso 23, 2020, sa Kumarang, Zamboanga del Sur. Mayroon itong dalawang ulo, dalawang ari, apat na mata at tatlong tenga.  Photo courtesy: Jocelyn Salva

 

Ayon sa may-ari ng kalabaw na si Rosalie Laguna, ang ina ng nasabing hayop na may dalawang ulo ay ang limang taong gulang nilang kalabaw na ginagamit sa bukid.

Pangalawang beses na raw itong nanganak pero ngayon lamang ito nagsilang ng isang kalabaw na hindi normal.

Nitong Biyernes, Marso 21, napansin nilang matamlay at nanghihina ang kanilang kalabaw habang nasa palayan.

Sa pag-aakalang manganganak na ang kanilang kalabaw, dinala nila ito malapit sa kanilang bahay para mabantayan ito.

Nitong Lunes, Marso 23, dakong alas-sais ng umaga, nanganak ang kalabaw ngunit binawian ng buhay ang isinilang nitong sanggol na may kakaibang hitsura.

"Dinala namin malapit sa bahay para mabantayan. Baka kasi hindi siya manganak o baka tubig lang ang lumabas. 'Yun nga, pagkalipas ng tatlong araw, kaninang umaga, lumabas na ito. Kakaiba siya. Hindi siya normal. Dalawang ulo ng kalabaw," kuwento ni Rosalie.

 

Namatay rin ang sanggol na kalabaw na may dalawang ulo matapos siyang isilang nitong Lunes, Marso 23, 2020. Ang kanya namang inang kalabaw ay matamlay.  Photo courtesy: Jocelyn Salva/b>

 

Kakaiba man ang hitsura ng isinilang na kalabaw, suwerte naman ang hatid daw nito para sa mga residente ng naturang lugar gaya na lamang ni Wahidin Olanda.

“Sa mga ganyang kaso, pinakasuwerte 'yan sa amin. 'Yan ang sinasabi ng aming mga ninuno noon," ani Wahidin.

Sa panayam kay Kumalarang Municipal Agriculture Officer Allan Abenes, sinabi nito na nahahanay sa abnormality ang panganganak ng kalabaw.

Abnormal daw kasi ang semilya nito.

Ang pagkamatay ng sanggol ay natural lamang raw dahil iisa lamang ang gumagana nitong puso.

Sapagkat dalawa ang ulo ng sanggol, marami itong ilong na lalabasan ng kanyang hininga kung saan magiging abnormal umano ang takbo ng paghinga nito na magreresulta sa pagkamatay.

“Abnormal ang kanyang semilya kaya ang nangyari, dalawa ang ulo, tatlo ang tenga, dalawa ang ari, isang buntot. Nahahanay 'yan sa abnormality. Mamamatay siya kasi isa lang ang gumagana na puso," ani Abenes.

Inilibing na nitong Lunes ang sanggol na kalabaw sa Barangay Boyugan East.

Ang kanya namang ina ay nananatiling matamlay pa rin at hindi pa makatayo.

Mimononitor ngayon ang kondisyon ng inang kalabaw. —KG, GMA News