Kung patok sa panlasa ng mga Pinoy ang mga street food na "betamax," "helmet" o isaw, sa isang lalawigan sa Cambodia, makikita ang hilera ng mga ihawan na ang ibinebenta, mga inihaw na daga na abot-kaya ang halaga.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing mabibili sa Battambang ang mga daga na galing sa bukid sa halagang mula sa $0.25 hanggang $1.25, depende sa laki.
Karaniwan na umanong kinakain ang naturang daga noong 1970s, sa panahon ng ultra-Maoist Khmer Rouge. Bukod sa daga, talo-talo na rin daw ang mga palaka, malalaking gagamba o tarantula at iba pang uri ng maliliit na hayop para mabuhay ang mga tao dahil sa hirap ng buhay noon.
Pagdating naman sa kung ano ang lasa ng daga, magkakaiba ang sinasabi ng nakakatikim—lasang manok, baka, at may nasasabing lasang karne ng baboy. Pero ang ending ng kanilang pagtikim, masarap lalo na't may kasamang sawsawan.
Ang isa sa mga nagtitinda ng inihaw na daga na si Ma Lis, sinabing nakauubos siya ng 20 kilo ng daga sa isang araw. Sa panahon na may mga okasyon tulad ng New Year o water festival, nakapagbebenta siya ng 180 malalaking daga sa isang araw.
Ang mga kadalasan nilang parokyano, mga bumibiyahe nilang kababayan at mayroon din mga dayuhang turista.
Ligtas naman daw kainin ang mga daga dahil sa palayan ito nakukuha.
"These rats are healthier than pork and chicken... they eat lotus roots and rice grains," saad niya habang nag-iihaw ng daga.
Pero pag-amin niya, kahit marami ang natatakam sa lasa nito, mayroon pa rin hindi kayang sikmurain na lantakan ang daga.
"They feel it is disgusting," nakangiti niyang sabi. — AFP/FRJ, GMA News