Tinitirahan ng halos 6,000 pamilya, maraming kuwento ng mga kababalaghan ang mga residente ng isang tenement housing sa Taguig, kabilang ang nagpaparamdam na pinaslang umano na kasambahay, mga bumubulong at mga nananakit na elemento.
Sa programang Good News ng GMA News TV, ikinuwento ni Carminda Tandelcarmen, 50 taon nang naninirahan sa tenement, na umuwi siya noong isang gabi nang may magparamdaman daw na floating lady sa hallway.
Bukod dito, marami ring kuwento ng mga nagpakamatay, partikular na ang isang malapit sa kanilang lugar.
Si George Pascua naman, nahihirapan makatulog dahil sa mga naririnig niyang katok at pagpalo sa mga dingding.
Inihayag ni Antonio Beronio, 51 taon nang naninirahan, na may isang kasambahay na nagkaroon ng diperensya sa pag-iisip kaya ito'y tinalian na lamang ng mga amo. Pareho ito sa impormasyong narinig ni George na mayroon daw kasambahay na pinaslang.
Ikinuwento naman ni Socrates Aguilar na nakakarinig siya ng mga bumubulong sa kaniya na "Itapon mo ang anak mo."
"Hindi ako tinitigilan ng mga salitang 'Ihulog mo 'yung anak mo.' Ako naman, hindi kinakabahan dahil hindi tao eh, ang boses niya, buo na hinihugot sa hukay eh. Malalim na boses lalaki," sabi ni Socrates.
Si alyas "Aileen," buntis noon ngunit may problema sila ng asawa kaya hindi ito umuwi ng dalawang linggo. Dahil sa pagiging depressed, nagtungo si Aileen sa isang kanto para mag-isip.
"Sumama ka sa amin! Masaya dito," raw ang mga boses na naririnig ni Aileen.
Inilahad naman ni Jerome Amemita, may kamag-anak sa tenement, ang kababalaghang naranasan niya noong gumagawa sila ng thesis ng kanilang magkakaklase.
Habang natutulog, may gumapang daw na maitim na elemento mula paa hanggang dibdib niya. Hanggang sa kagatin din nito ang kaniyang kamay. Tumigil na lamang ito nang gisingin siya ng mga kaklase.
Panoorin ang mga kuwentong kababalaghan sa video na ito.
— Jamil Santos/RSJ, GMA News