Sinagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong Pilipino na niloko sa trabaho at ginawa umanong scammer sa Cambodia. Ang mga biktima, sinasaktan pa raw ng kanilang mga among Chinese.

Sa inilabas na pahayag ng NBI nitong Lunes, sinabing nakabalik na sa Pilipinas ang tatlong Pinoy nitong Linggo, sa tulong na rin ng ilan pang ahensiya.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, patunay ang ginawang pagsagip sa mga Pinoy sa “strong and unwavering partnership between nations in combating transnational crimes.”

Natanggap umano ng NBI noong March 11 ang isang video message at mga larawan ng tatlong Pilipino na humihingi ng tulong sa NBI kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Makikita umano sa mga larawan ang resulta ng tinamong pananakit ng mga biktima.

Ayon sa mga biktima, may nakita silang job opening para sa customer service representative sa Cambodia na may sahod na $1,000.

Umalis ng bansa ang tatlo nang hindi dumadaan sa tamang proseso. Enero 7 nang lumipad ang mga biktima patungong Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Sumakay sila sa barko na patungong Basilan, at mula sa Basilan ay lumipat sa Tawi-Tawi.

Ayon pa sa NBI, mula sa Tawi-Tawi ay bumiyahe ang tatlo sakay ng maliit na bangka, at inilipat sa isang fishing boat hanggang sa makarating sa Sabah, Malaysia.

Nagpalipat-lipat pa umano ang mga biktima hanggang sa dalhin sila sa Phnom Penh, Cambodia, at pinatira sa isang compound. Hindi umano pinayagan ang tatlo na makalabas sa utos na nagsisilbing boss na mga Chinese.

“Instead of working as customer service representative, the victims were given cellphones where they downloaded social media applications… They were ordered by a Filipino supervisor of the company to scam old-aged foreigners through cryptocurrency,” ayon sa NBI.

Pinapasahod umano ang tatlo ng $300 na malayo sa inakala nilang $1,000.

Binalak umano ng tatlo na lumipat ng kompanya pero nalaman ito ng mga Chinese boss.

“Upon learning of their plan, the victims were brought out of the compound where they were beaten by Chinese individuals,” dagdag ng NBI, na patuloy na iniimbestigahan ang kaso. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News