Na-hopia ang isang lalaki na modus ang palit-pera nang tangkain niyang makaisa muli sa pagbili ng siomai sa isang tindahan sa Valenzuela na dati na niyang nabiktima na magka-cash in kunwari siya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ini-upload umano ng tindahan ang CCTV footage sa naging galawan ng lalaki para mabigyan ng babala ang ibang establisimyento.
Sa unang pagkakataon nang umatake ang lalaki na sakay ng motorsiklo, nagpa-cash kunwari ang suspek ng P150 sa tindahan, at nag-abot siya sa tindera ng P1,000.
Ibinigay naman ng tindera ang sukli nito na P845, kasama ang singil na P5 na transaction fee.
Pagkakuha sa sukli, tumalikod ang lalaki at doon na umano itinago ang P500 bill. At nang humarap, sinabi nito na bibili na lang siya ng load card na wala namang ganoong tinda ang shop.
Dahil dito, babawiin na lang daw niya ang P1,000, at sabay na iniabot ang isinukli sa kaniya na binawasan na niya ng P500.
Hindi na binilang ng tindera ang pera at iniabot sa lalaki ang isang P1,000 bill. Pero hindi pa doon natapos ang modus ng lalaki, dahil itinago niya ang P1,000 at sinabihan ang tindera na P100 lang ang iniabot sa kaniya.
Dahil sa pag-aakala ng tindera na nagkamali nga siya ng bigay na pera, muli siyang nag-abot ng P1,000 sa lalaki na tagumpay na umalis sa kaniyang modus.
Sa ibang pagkakataon, muling bumalik ang lalaki at tinangkang ibudol muli ang tindahan sa katulad na modus. Sa pagkakataong ito, bumili naman siya ng siomai sa halagang P95 at nag-abot ng P1,000 bill bilang pambayad.
Nang ibigay ng tindera ang sukli, makikitang may itinuping pera ang lalaki, at naglabas din ng P100 bill para iyon na lang daw ang ibabayad niya sa siomai, at babawiin na lang ang P1,000 na nauna na niyang ibinigay.
Isinauli rin ng lalaki ang isinukli sa kaniya ng tindera na kulang na ng P500 bill na kaniyang itinupi.
Pero ang tindera sa pagkakataong iyon, binilang ang pera na iniabot ng lalaki at nakitang kulang ng P500.
Nagdahilan naman ang lalaki na nahulog ang P500 na kaniyang ibinigay din sa tindera.
Nang iabot na ng tindera ng P1,000 bill, muling tinangka ng lalaki na makabudol at sinabing P100 lang ang ibinigay sa kaniya.
Subalit hindi naman naniwala ang tindera na kaya wala nang nagawa ang lalaki kung hindi makipag-apir at saka sumibat bitbit ang siomai na napagastos siya ng P95.
Nang i-post ng tindahan ang modus ng lalaki, may mga nagkomento umano na nagsabing nabiktima rin sila nito.
Umiikot daw ang lalaki sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan gaya ng Bulacan. Gayunman, hindi na rin inireport ng tindahan sa mga awtoridad ang modus ng lalaki.-- FRJ, GMA Integrated News