Naging kontrobersiyal ang isang kasalan sa Cagayan de Oro City kamakailan dahil sa bukod sa walang masyadong mga bisita, umatras pang bigla ang groom nang tila natauhan umano mula sa gayuma ng bride makaraang sabuyan ng asin? Ano nga ba ang totoo? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isinalaysay ng wedding organizer na si Avril Carrasco na Marso 8 nang mag-inquire sa kanila ang bride na si Shallene Lorrine Justine Lao Go, na nagpakilalang isa umanong civil engineer at NBI director ang ama.
Ayon kay Carrasco, hiniling ni Go na Marso 10 ng hapon na agad gagawin ang kasal dahil buntis daw siya at high profile ang kanilang pamilya kaya ayaw niya silang madismaya.
Pumayag ang wedding organizer, at kinausap niya kinabukasan si Go at ang sa groom nito na si “JL.” Ang couple na umano ang bahala sa gown at suit, makeup artist at singsing, habang ang venue, pagkain, photo at video services na lamang ang kailangang ayusin ng team nina Carrasco.
In-avail na package ng bride at groom ang good for 100 guests, at sinabi pa ni Go na nagpadala na ang kaniyang ama ng P270,000. Ngunit pagtingin ni Carrasco sa bangko, wala namang pumasok na pera.
Sa kabila nito, tiwala pa rin siya kay Go, at nag-book sa isang hotel sa Cagayan de Oro City kung saan gaganapin ang civil wedding at reception, at nag-abono siya ng P75,000.
Pero sa mismong araw ng kasal, nagkaroon na ng mga aberya dahil wala pa ang makeup artist, gown at wedding ring.
Habang sa pre-wedding shoot ng bride at groom, may napansin ang events coordinator at P.A. na si Vanessa Aleria.
“Wala po talagang imik si groom. Like, pale o non-chalant na lang po. First po na thought ko sa boy is, ganang hindi niya naman mahal ‘yung girl, uy. Pineperahan lang kasi mayaman daw siya,” sabi ni Aleria.
“Hindi talaga siya masaya. Parang napilitan lang siya. Hindi ganoon ang mukha ng kaibigan namin, malungkot siya na may tinatago,” sabi naman ng kaibigan ni JL na si “Bernard.”
Hindi rin nagsimula sa oras ang wedding ceremony dahil wala pa ang judge na mag-o-officiate ng kasal, pati na rin ang mga pamilya at bisita ng bride.
Dito na kinutuban si Carrasco na baka na-scam siya ni Go, dahil walang bayaran na nangyari.
Ikinagulat pa ni Carrasco na pini-pressure ni Go ang mga kaibigan ng groom kung may credit card sila.
Dahil dito, nagdesisyon na si Carrasco na tumawag ng pulisya.
Habang ang mga kaibigan ni “JL,” kinutuban sa kalagayan niya hanggang isa sa kanila ang magsaboy sa kaniya ng asin.
“Parang natauhan siya,” sabi ni Aleria.
Ayon kay “JL,” hindi pa niya nakikilala ni isa sa mga miyembro ng pamilya ni Go.
Kuwento ni Go
Nang makapanayam ng KMJS, hindi Shallene ang pakilala ni Go, kundi siya umano si Riri Go dahil hindi na raw siya kumportableng dalhin ang kaniyang pangalan.
Kuwento ni Riri, nagkakilala sila ni JL sa isang dating app dahil broken-hearted siya noong nakaraang taon. Ang dapat sana na kanilang simpleng meet-up, nauwi sa kapusukan at may nangyari sa kanilang dalawa.
Kinabukasan, muling niyaya ni Riri si JL na lumabas ngunit hindi na umano nagpakita ang lalaki.
Enero nang matuklasan ni Riri na buntis siya, at sinabing alam ni JL na siya ang ama ng batang kaniyang dinadala.
“Nag-develop lang naturally ‘yung feelings ko sa kaniya. Sinasabi niya na sa akin na he loves me,” giit ni Riri.
Pagkaraan ng halos isang buwan, agad nang nag-propose si “JL.”
Sa araw ng kanilang kasal, inakusahan si Riri na isa umanong scammer at ginayuma lang umano ang groom para magpakasal sa kaniya, na mariin niyang itinanggi.
“Never ko talaga siya ginayuma,” sabi ni Riri, na nagtatakang ipinaiwas na ng mga kaibigan ni “JL” na lumapit ito sa kaniya.
“Na-shock ako roon. ‘Huwag mong titigan sa mata.’ Bakit, anong meron? Iba na ‘yung way ng talking niya,” sabi ni Riri.
Natigil na ang kanilang diskusyon nang dumating na ang mga awtoridad.
Dito, inamin ni Riri na hindi pa siya nakakapagbayad sa wedding organizer.
Binigyan ni Carrasco ng 10 araw si Riri para mabayaran ang balanseng nasa halos P100,000.
Ilan din ang nagduda kung tunay na buntis si Riri, ngunit tumanggi siyang magbigay ng kahit na anong katibayan.
Hindi na rin nagpaunlak ng panayam si “JL.”
Matapos mag-viral kuwento nila ng paghahagis ng asin bilang kontra sa gayuma, ilan pa ang lumutang na nagsabing nabiktima rin daw sila ni Riri.
Mayroong group chat na binuo ang mga nabiktima, na aabot na raw sa 20.
“I refuse to answer the issue kasi ginagawa na namin ang legal process,” tugon ni Riri.
Tunghayan sa video ng KMJS ang isa pang lalaki na nagpakilala na kamuntikan na umano siyang mabiktima ni Riri, at nagdesisyon din silang magpakasal. Ngunit ang ending, walang kasal na nangyari at ang pamilya pa ni Peter ang nagbayad ng halos P300,000 na kanilang nagastos. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News