Nahaharap sa grooming allegations si Kim Soo Hyun, na nakarelasyon umano ang pumanaw na aktres na si Kim Sae Ron na underage pa lamang noon. Ang malalaking kompanya, binitawan ang collab at endorsement projects sa South Korean actor.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing underage pa lamang noon si Sae Ron nang makarelasyon si Soo Hyun ng anim na taon.
Naging maugong ang kontrobersiya ilang linggo nang mamataan ang bangkay ni Sae Ron sa loob ng kaniyang bahay sa Seoul noong Pebrero.
Nananawagan ang pamilya ng aktres na maglabas ng opisyal na apology si Soo Hyun at amining nakarelasyon niya si Sae Ron noong menor de edad pa lamang ito.
Nauna nang sinabi ng Gold Medalist, na agency ni Soo Hyun at dati ring agency ni Sae Ron, na hindi totoong may relasyon sila noong 2015, taon na menor pa ang aktres. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News