Mangangailangan ang bansang Croatia ng mahigit 3,000 Pinoy workers para sa kanilang hotel industry, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng DMW na kakailanganin ng naturang bansa sa Europa ang mga housekeeper, front desk staff, at iba pa.
Ang pagkuha ng mga aplikante ay gagawin mismo ng Pilipinas at Croatia kaya walang placement fee na babayaran ang mga interesado.
“Kailangan na nila ng workers this summer, which is latter part of April and May,” saad ni DMW undersecretary for policy and international cooperation Patricia Yvonne Caunan.
May inihahanda ring government-to-government agreement ang Pilipinas at Slovenia para naman sa pagkuha ng mga Filipino caregiver.
“Sa Croatia, €1,000 above. Sa Slovenia, nasa €1,500 to €2,500,” dagdag ni Caunan nang tanungin sa posibleng sahod na maaaring tanggapin ng OFW kada buwan.
Ayon sa DMW, kailangan ang dagdag na training para sa mga caregiver applicant sa Pilipinas.
“We have the opportunity to firm up possible means and channels for care workers to further protect themselves,” pahayag ni DMW Secretary Hans Cacdac.
Nagpaalala naman ang DMW sa publiko na mag-ingat sa mga nakikitang anunsyo sa trabaho sa ibang bansa via online para hindi mabiktima ng mga manloloko at illegal recruiters. -- FRJ, GMA Integrated News