Si Charlie Fleming ang napili na bigyan ng immunity ng mga kapuwa housemates sa first nomination sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Sa episode nitong Martes, nabuo ang desisyon ng housemates sa pagbibigay ng immunity kay Charlie nang matapos ng Kapamilya housemates ang kanilang task o ipinagawa ni Kuya.

Ang task ay ang pagpapagulong ng bola sa lamesa na may mga butas, at kailangan nilang maipasok ang bola sa star hole. Kailangan nila itong gawin sa pamamagitan ng paghawak sa lamesa gamit ang tali.

Uulitin nila ang task kapag nalaglag ang bola, o pumasok sa regular na butas.

Nang makompleto ng Star Magic artists ang task, binigyan sila ng kapangyarihan na bumili ng isang Sparkle star na gusto nilang iligtas mula sa nomination.

Matapos ang kanilang deliberasyon, lumitaw na nakaribal ni Charlie sa immunity si Ashley Ortega na nakakuha ng dalawang boto.

Limang boto naman ang nakuha ni Charlie, na hindi napigilang maiyak sa ginawang malasakit ng mga kapuwa housemates.

Inihayag din ni Kuya na muling magpapalit ng mga kaparehas ang Kapuso-Kapamilya housemates.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network tuwing 10 p.m. sa weekdays at 6:15 p.m. sa weekends. — mula sa ulat ni Josiah Antonio/FRJ, GMA Integrated News