Inamin ng isa sa dalawang person of interest (POI) na hawak ng pulisya na kasama siya sa ginawang pagpatay at paghalay sa turistang Slovakian na nakita ang bangkay sa isang abandonadong kapilya sa Boracay.
Sa ulat ni Lyneth Mendoza ng Super Radyo Kalibo sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing ginawa ng POI ang pag-amin sa krimen nitong hatinggabi kagabi sa Provincial Prosecutor’s Office.
Kasabay ng pag-amin, nagsumite ng extrajudicial confession ang POI, na inihayag niya na kasama niya ang 23-anyos na biktima na si Michaela Michova, at dalawa pang lalaki nang mangyari ang krimen sa naturang abandonadong kapilya.
Ayon sa POI, ang isa niyang kasama ang gumahasa sa biktima, at ang isa naman ang pumalo ng kahoy sa ulo ng dayuhan.
Ang tinutukoy na kasama ng POI ay nasa kustodiya na rin ng pulisya, habang hinahanap pa ang isa.
WATCH: Isa sa dalawang persons of interest na hawak ng pulisya dahil sa pagpatay sa Slovak national sa Boracay, umamin na sa krimen. | via Lyneth Mendoza, Super Radyo Kalibo pic.twitter.com/S85XrFzKVZ
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 18, 2025
Patuloy pa ang imbestigasyon sa naturang krimen, habang nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad pa maiuwi sa kaniyang bansa ang biktima.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News mula kay Darwin Tapayan ng GMA Super Radyo Kalibo, itinanggi umano ng isa pang POI na nasa kustodiya ng pulisya ang alegasyon.
Una rito, natukoy ng pulisya ang tatlong POI nang makita sila sa isang closed-circuit television (CCTV) footage na kasama ang biktima habang nasa isang establisimyento.
Residente ng Boracay ang tatlo na sangkot umano sa bentahan ng ilegal na droga at iba pang krimen.
Matatandaan na pumunta sa Boracay si Mickova noong March 1, 2025 na mag-isa upang dumalo sa kasal ng isang kaibigang Pinay. --FRJ, GMA Integrated News