Binaril at napatay ang standup comedian na si Gold Dagal sa loob ng isang establisimyento sa Angeles City, Pampanga nitong Sabado.
Batay sa police report, nasa loob ng isang beer house ang 38-anyos na biktima nang lapitan siya ng isa sa tatlong suspek at pinagbabaril.
Nakatakas ang mga suspek habang isinugod naman sa ospital si Dagal pero binawian din ng buhay pagkaraan ng ilang oras.
Sa Facebook post ng kaniyang ina na si Jocelyn Cruz, sinabi nito na pumanaw si Dagal pagkaraan ng siyam na oras matapos siyang barilin.
“Someone shot my only son in the face which caused his death 9 hrs later. Doctors tried to revive him each time he would have cardiac arrest, which happened more than 10x. My son is gone,” saad ng ginang.
Hinihinala ni Cruz na may taong nagalit sa mga biro ng kaniyang anak ang posibleng may kagagawan ng krimen.
“A hired killer ended his life and made sure he does not survive. Why this happened? I know those he offended with his jokes during one of his stints in his stand-up comedy shows, had planned to end his life like how they constantly threatened,” saad ng ginang.
Sinusubukan ng GMA News Online na makahingi ng pinakabagong impormasyon tungkol sa nangyari kay Dagal mula sa Philippine National Police, Police Regional Office 3, at Angeles City Police. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News