Inaresto ng mga awtoridad ang isang 25-anyos na ginang matapos umanong patayin sa sakal ang sarili niyang anak na babae na apat na taong gulang sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing idineklarang dead on arrival sa ospital ang bata nang isugod doon ng kaniyang mga kaanak.
Unang sinabi ng suspek sa mga duktor na nadulas sa banyo ang bata. Pero nagduda ang mga duktor dahil walang pinsalang tinamo ang biktima na katulad ng mga nadudulas.
Ayon sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Puerto Police Station, inamin kinalaunan ng ina na sinakal niya ang kaniyang anak.
Sinabi ng tiyahin ng biktima na posibleng napahamak din ang isa pang anak ng suspek na isang-taong-gulang kung hindi kaagad nakita ang bata.
Nang makapanayam sa piitan, sinabi ng ginang na napagbalingan niya ng galit ang anak dahil ilang araw na niyang hindi nakakausap ang kaniyang asawa na nasa Cebu City.
Pinagsisisihan daw niya ang kaniyang nagawa sa anak dahil nawala siya sa kaniyang pag-iisip.
Mahaharap ang ginang sa reklamong parricide at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination (RA 7610). -- FRJ, GMA Integrated News