Tuwing tanghali, hindi magkamayaw ang mga kumakain sa isang karinderya sa BIR road sa Quezon City.
Bukod raw sa mura ang mga ulam, sampung piso lang ang dalawang takal na kanin.
Pero dahil sa pagtataas presyo ng bigas, napipilitan daw ang may-ari na si Monica Peralta na dumiskarte para hindi taasan ang singil. "Nagbawas lang ako nang konti. Konti lang," aniya.
Ang isang karinderya sa may Kamuning, hindi na kinaya ang pagtaas ng bigas. Nagtaas na rin sila ng kada order ng kanin, P12 na mula sa dating sampung piso.
Bottomless lugaw naman ang mabenta sa kainan na ito Albina St. sa Sta. Mesa, Manila. Patok ang refillable na plain lugaw na sampung piso lang. Walang taas presyo kahit mataas ang kada kilo ng bigas at malagkit. Sabi ng may-ari, nagdadagdag na lang siya ng sabaw, rekado, at pampalapot sa lugaw.
Nahihirapan na rin ang mga lugar na unli-rice ang bentahe, tulad ng isang paresan sa V. Luna sa Quezon City. Hindi pa raw sila nagtataas ng presyo, pero maingat raw sila sa pagbibigay ng kanin para hindi masayang.
Pero hanggang kailan kaya nila kakayanin yan hung hindi naman bumababa ang presyo ng commercial na bigas sa gitna ng paubos na namang supply ng NFA rice?
Sa warehouse ng NFA sa Visayas Ave. sa Quezon City, 18,000 sako ng bigas na lang ang laman imbes na 100,000.
Dapat may mahigit 20 milyong sako ng NFA rice sa lahat ng mga warehouse sa buong bansa ngayong panahong itinuturing na lean season. Pero nasa 2.2 milyong sako na lang ang natitira na aabot lang ng mahigit isang buwan.
Kasama pa rito ang dapat itira na gagamitin kapag may kalamidad.
Sampung milyong sako ng bigas ang in-import ng NFA nung halos magkaubusan din ng supply noong Marso.
Dumating ito noong Hunyo, pero 'di agad nadiskarga dahil masama ang panahon.
May 3.3 milyong sako pa ng NFA rice na paparating, pero kulang pa rin
Sa Zamboanga City kung saan mahaba pa rin ang pila para sa NFA rice, nag-uumpisa na raw bumaba ang presyo ng commercial rice.
'Yun nga lang, ang NFA rice na dinala sa Zamboanga, nanggaling naman daw sa Cagayan De Oro na siya namang namomroblema ngayon.
Sa Batanes, halos 200 kaban na lang ang reserba ng NFA rice na hindi na raw sapat para sa dalawang araw.
Hanggang apat na araw naman ang supply ng NFA rice sa Baguio City at Benguet.
Ang NFA warehouse sa bataan, nasa walong libong sako na lang ang laman. —JST, GMA News