Bilang katuwaan, nagpasiklaban kamakailan ang ilang netizens at ipinost sa social media ang kakaiba nilang mga apelyido na takaw-alaska ang iba para malaman kung alin ang mas kuwela.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing kasama sina Von Curimao at Loven Bayani, sa mga inulan ng pang-aasar dahil sa kanilang apelyido.

Ang ibig sabihin kasi ng Curimao [kurimaw] ay halimaw, samantalang ang "bayani" ay isang taong matapang o magiting na may nagawang dakila para sa bayan.

"Number one yung, 'Ambaho ng pangalan mo!' Pangalawa, napagkakamalan akong masamang tao. Sobrang tatawanan talaga nila ako. Nakakapanliit ng pagkatao," sabi ni Curimao.

"Magugulat sila kasi dahil nga bayani, nababasa nila sa libro is yung patay na bayani," ayon naman kay Bayani.

Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, halimaw pala talaga si Curimao pagdating sa basketball.

Si Bayani naman, isinabuhay na rin ang kaniyang apelyidong Bayani.

Samantala, isa rin si Rafael Makiramdam sa mga nakaranas ng pang-aasar dahil sa kaniyang apelyido.

"Kapag hindi ako nakikinig sa teacher, sabi nila, 'Makiramdam ka naman,'" kuwento niya.

Pero kung ang kasintahan niyang si Pauline ang tatanungin, damdam na damdam ang apelyido ng nobyo at hindi niya ikinakahiya.

Sa tuwing mayroon silang tampuhan, sinisikap daw ni Makiramdam na makiramdam at bubuwelo para suyuin ang minamahal.

Ayon sa Family History Researcher na si Fervil Ordinario, pamana ng mga Espanyol ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng apelyido.

"Bago 'yung 1849 maraming lugar sa Pilipinas mga magulang, puwedeng iba 'yung apelyido ng kanilang mga anak. Nagkaroon ng malaking problema ito sa pag-a-administer ng mga serbisyong gobyerno at pag-trace ng mga property at sa mga pagbabayad ng mga buwis," paliwanag niya.

Ngunit noong 1849, naglabas si Governor Narciso Claveria ng kautusan sa lahat ng probinsiya sa Pilipinas na magkaroon ng katalogo o listahan ng mga apelyido para sa mga mamamayan.

Maaaring ma-research nang libre ang kasaysayan ng angkan sa www.familysearch.org.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News