Dahil umano sa peligro sa kalusugan at nakasasama sa kapaligiran, ipinapanukala ng isang lokal na opisyal sa Baguio City na ipagbawal ang paggamit ng nganga o betel nut, na sinasabing bahagi na tradisyon at kultura ng ilang katutubo sa Ifugao.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing ang mungkahi ay nakapaloob sa resolusyon na inihain ni Baguio City Vice Mayor Edison Bilog.
Sinasabing mayroong masamang epekto sa kalusugan ang paggamit ng nganga tulad ng cancer at cardiovascular arrhythmias o iregular na pagtibok ng puso.
At dahil nginunguya lang at hindi nilulunok ang nganga, may masama rin daw itong epekto sa kapaligiran dahil madalas umanong magkalat sa lungsod ang mga idinurang nganga.
Pero tutol ang ilang katutubo sa resolusyon dahil bahagi na umano ng kanilang kultura at tradisyon ang paggamit ng nganga.
Ang nganga ay bunga ng puno ng areca na kung tawagin ay betel nut o areca nut. Ibinabalot ito sa dahon na gawed [o dahon ng areca], at saka lalagyan ng slaked lime o apog.
Nginunguya ito kadalasan ng mga matatanda at ginagawang pamalit sa sigarilyo.
Sinabing ginamit ito ng mga tribo sa Ifugao na gumawa ng rice terraces.
"Noong unang panahon is siguro ito 'yung ginamit nilang panawid gutom, panawid gutom noong ginagawa ang rice terraces. Pangalawa, para uminit 'yung kanilang katawan dahil malamig, at umuulan at nakababad 'yung kanilang paa sa tubig," paliwanag ng isang taga-tribong Tuwali ng Ifugao.
Bukod dito, pinaniniwalaan din nilang nakagagamot ito ng ilang sakit tulad ng pananakit ng ngipin at tiyan.
Paliwanag naman ng isang nagtitinda, maraming matatanda na gumagamit ng nganga ang buhay pa hanggang ngayon.
Ang isa pang nagtitinda, sinabing wala pang nagpapatunay na may nagka-cancer na gumagamit ng nganga.
Sinabing mistulang aalisin ng pagkakakilanlan ang mga taga-Ifugao kapag ipinagbawal ang paggamit ng nganga. -- FRJ, GMA News