Gamit ang kaparehong paraan nang gawin ang tupa na si "Dolly" dalawang dekada na ang nakararaan, nagawa ng mga Chinese scientist na makapag-clone ng kambal na unggoy na long-tailed macaques.

Sa ulat ng Reuters,  sinabing pinangalanan ang dalawang unggoy na sina Zhong Zhong at Hua Hua, ang mga kauna-unahang primates-- na tulad ng gorilya at tao na "mammal"-- na na-clone mula sa non-embryonic cell.

Nagawa umano ang pag-cloned sa mga unggoy sa pamamagitan ng "somatic cell nuclear transfer" (SCNT) na ginamit noon kay Dolly.

Naniniwala ang mga researcher sa Chinese Academy of Sciences Institute of Neuroscience sa Shanghai na makatutulong ito sa medical research upang pag-aralan ang mga sakit na katulad sa unggoy.

Dahil sa tagumpay na ito, nabuksan din ang posibilidad na puwedeng i-clone ang tao.

“Humans are primates. So (for) the cloning of primate species, including humans, the technical barrier is now broken,” sabi ni Muming Poo, tumulong sa pagsubaybay sa naturang programa.

“The reason ... we broke this barrier is to produce animal models that are useful for medicine, for human health. There is no intention to apply this method to humans,” dagdag niya.

Masusundan pa umano ang pag-clone ng mga unggoy sa darating na mga buwan.
Normal ang paglaki ng dalawang unggoy na pinapasuso sa botelya.

Taong 1996 nang gamitin ang SCNT sa pag-clone kay Dolly sa Scotland, at nagamit din sa iba pang species ng hayop gaya ng baka, aso, kuneho, at daga.

Sinubukan din ito noon na gamitin sa unggoy pero hindi nagtagumpay kaya napaisip ang mga ekperto kung hindi ito uubra sa primates. -- Reuters/FRJ, GMA News