Idinaan sa sining ng isang mall sa Makati City ang paggawa ng mga pedestrian lane upang makuha ang pansin ng mga motorista.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang isang lalaki na kasama ang anak na dahan-dahang tumatawid sa mistulang nakalutang na puting bloke sa kalsada.
Ito ay optical illusion na tinatawag na "floating" pedestrian lanes na tila mga naka-angat na mga puting bloke na three dimensional o 3D na pintura sa kalye.
Mayroon din disenyo na tila mga tiklado o piyesa ng piano.
Ayon sa isang opisyal ng mall, paraan daw ito para mas makatawag pansin sa mga motorista ang pedestrian lanes.
Sa datos mula sa Philippine National Police, mahigit 32,000 umano ang mga aksidente sa kalsada noong 2016. Karaniwan umanong dahilan ng mga sakuna ay human error at kasama umano rito ang mga tumatawid sa kalsada.
"Both vehicles and pedestrians they don't really regard pedestrian lanes as... minsan walang traffic lights o wala ring enforcer," ayon kay Diane Fajardo, Office of the Use for Roads ng Department of Transportation.
Ayon kay Fajardo, dapat magmenor o bumagal ang mga sasakyan kapag may nakitang pedestrian lane.
"Kailangan nilang mag-slow down kapag malapit na sa pedestrian lane and yung mga pedestrians, yung mga taong tumatawid, sila ang priority," paliwanag niya.
Ang advocacy group na Safekids Philippines, dati nang nangangalampag tungkol sa peligrosong kondisyon ng mga kalsada sa bansa lalo na para sa mga bata.
Pero hindi lang ang mga sasakyan kung hindi maging ang pedestrians ay kailangan ding turuan dahil marami pa rin daw ang mga hindi sumusunod sa tamang tawiran.
"Unfortunately sa culture is we do not think of others as a common ground so that we are more tayo, sarili, driving, walking. In fact you will notice when there's a pedestrian to cross, bibilisan," sabi ni Jesus dela Fuente, Executive Director, Safekids Philippines.
Ang mga ahensya ng gobyerno, at maging ang NGO tulad ng Safekids, patuloy daw na isusulong ang adbokasiya at edukasyon sa lahat para gawing mas ligtas ang ating mga kalsada. -- FRJ, GMA News