Sa edad na apat na taon, kaya na ni Don Pinlac na buuin ang rubiks cube habang sinasagot ang scientific names ng ilang tanim. Ang rubiks cube nga pala, binuo niya habang may takip ang kaniyang mga mata.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing bukod sa pagkabisa, mahusay ding mag-solve ng math problems si Don.
Ipinakita sa ulat ang ginawang pagbuo ni Don sa rubiks cube nang nakapiring habang minamani ang pagsagot sa mga scientific name ng ilang pananim.
"Napapanganga [ang mga nakakakita] kasi hindi nila ine-expect na yung naggagatas kanina, kaya palang sumagot ng mga scientific name," kuwento ni Louie Pinlac, ama ng wonder kid.
Bukod sa scientific names, alam ni Don ang kabisera ng mga bansa.
Kaya rin niyang mag-solve ng math problems kahit na naglalaro ng rubiks cube.
Pero gaya ng ilang bata, hilig din ni Don ang kumanta at sumayaw, na hindi raw tinatanggal ng kaniyang mga magulang.
Sinabi rin ni Louie na wala silang espesyal na ipinakain sa bata at ang pinaniniwalaang nilang naging susi ng talento ng kanilang anak ay idinaan nila sa parang laro ang pagtuturo sa bata.
"Parang laro din po niya yun. Mamaya bonding bonding kami ganun. So lahat po dinaan ko sa laro hindi yung seryoso," paliwanag niya. -- FRJ, GMA News