Nadakip sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim katao na nagpapakilalang may koneksiyon sa Malacanang at nagbebenta ng posisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kapalit ng P8 milyon bawat isa.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dumulog si Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu sa NBI at isinumbong ang grupo na nag-aalok ng puwesto sa BARMM parliament sa halagang P8 milyon ang bawat isa.
"Siya yung mag-o-oath daw, punta raw kami sa Malacanang, at dadalhin ang pera, today daw. Magaling, kasi sabi niya kapag naano tayo, may rooms tayo na VIP, isa-isa kayo kakausapin," saad ni Mangudadatu patungkol sa isang suspek.
Ayon sa NBI, dalawa ang kunwaring posisyon na kukunin ni Mangudadatu para sa anak at pamangkin nito. Pero sa halip na P16 milyon ang bayad sa dalawang posisyon, nagbigay pa raw ng diskuwento ang grupo at P15 milyon na lang ang hininging bayad.
"P8 million bawat position pero dahil dalawa may discount, P15 million na lang. Sinasabi na ang magpa-facilitate ng appointment ng anak at nephew ay si First Lady. When we checked the Palace, hindi sila kilala doon. We have a certification that they are not connected in any way sa Palace," ayon kay NBI Director Jaime Santiago.
Isinagawa ang entrapment operation sa isang hotel sa Maynila ang inaresto ang grupo matapos tanggapin ang markadong pera.
Ayon sa NBI, lumalabas na may dati nang record ang ilan sa naaresto, at posibleng may iba pa umanong nakausap ang mga ito para biktimahin din.
"The agents already took possession of the mobile gadgets and this will be subjected to forensic investigation," pahayag ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin.
Isa sa mga naaresto ay napag-alaman na kakandidatong konsehal sa Parañaque City. Aminado siya na gagamitin sana sa kampanya ang kikitain sa kanilang ginagawa.
"I was able to contact a friend in Davao. My friend connected me to a lady, yung supposed incoming chief minister, six slots daw, kasi pinupuno niya," ayon sa aspiranteng konsehal.
"May commission. Tao lang tayo, I’m running for a position, I need some money, kailangan mo siya to sustain something sa pagtakbo," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News