Tinutukan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kondisyon ng isang lalaki sa Pangasinan na sobra ang daliri sa kamay at ng isang bata sa Camarines Sur na lumalaki ang mga daliri sa paa at kamay. May kinalaman kaya rito ang paglilihi ng kani-kanilang ina o  may paliwanag ang mga duktor? Panoorin.

Ang kaliwang kamay ni Alex, mistulang dalawang kamay na pinagdikit na walo ang daliri.

Kuwento niya noong bata pa siya, pilit niya itong itinatago upang hindi makita ng mga kamag-aral. Pero kinalaunan, natanggap na niya ang kalagayan ng kaniyang kamay.

Katunayan, tingin ng iba, suwerte ang mga kamay ni Alex kaya may ibang nais itong mahawakan.

Hinala ng kaniyang ina, baka ang paglilihi niya sa pugita ang dahilan kaya nagkaroon ng sobrang mga daliri sa kamay si Alex.

Pero ang duktor na sumuri kay Alex, sinabing may kondisyon na "synpolydactyly" kaya sobra ang daliri niya sa kamay.

Wala pa raw malinaw na dahilan kung bakit ito nangyayari pero kasama sa mga pinaghihinalaan ay genetic sa katawan o kaya naman ay baka nalantad si Alex noon nasa sinapupunan pa siya ng ina sa isang uri ng kemikal, sakit o impeksyon.

Samantalang ang batang si Kevin, lumalaki ang mga daliri sa kamay at paa, maging ang bahagi ng kaniyang puwetan.

Ang hinala ng ina ni Kevin, baka ang pagkain niya noon ng ube nang ipinagbubuntis ang anak ang dahilan ng kondisyon nito.

Para malaman ang kalagayan ng kalusugan ni Kevin at ang dahilan ng paglaki ng kaniyang mga daliri, dinala siya sa Maynila para maipasuri. Dito natuklasan na mayroon siyang over growth syndrome, na maaaring maging "proteus syndrome," isang pambihirang kondisyon kung saan abnormal ang paglaki ng buto, balat, at iba pang tissue ng karawan.

Panoorin ang buong detalye sa dalawang pambihirang kaso na tinutukan ng KMJS:


 

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

-- FRJ, GMA News