Isang buntis na pating na nasa siyam na talampakan ang laki ang napadpad sa tabing-dagat sa Cabadbaran City, Agusan del Norte. Sa pag-aakalang blue marlin ang pating, hinatak nila ito sa buntot patungo sa dalampasigan.

Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Caasinan.

Bukod sa buntis, may sugat din umanong nakita sa hasang ng pating. Isang residente rin ang nakitang hinampas ng sanga ang pumapalag na pating.

Ayon sa residenteng si Jessie Ortega, nalaman lang ng mga kalugar niya na pating pala ang hinatak nila nang maiahon nila ito mula sa tubig.

Unang pagkakataon din umano niya na makakita ng pating sa personal.

Nang makita nilang may sugat ang pating na tumitimbang ng 100 kilos, ipinagbigay-alam nila ito sa mga awtoridad.

Ngunit hindi nagtagal, namatay din ang pating at inilibing.

Kinuha naman ng mga barangay official at tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga pup o ang mga baby ng pating na nasa 30 at pinakawalan nila sa dagat.

Nag-aalala ang mga awtoridad na ipagbigay-alam sa kanila kapag may nakitang pating o iba pang marine animals at huwag nila itong sasaktan.--FRJ, GMA Integrated News