Matapos ang ilang linggong rollback, tataas naman sa susunod na linggo ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Inihayag ito ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero nitong Biyernes, base sa nagdaang apat na araw na resulta sa international trading.
Nasa P0.60 hanggang P1.00 per liter ang posible umanong madagdag sa presyo ng gasolina.
Samantalang P0.10 hanggang P0.50 per liter naman ang itataas sa halaga ng diesel, at P0.10 hanggang P0.30 per liter ang madadagdag sa kerosene.
Ayon sa Energy official, posible pang magbago ito batay sa kalalabasan ng huling trading ngayong Biyernes.
Ilan sa mga pandaigdigang pangyayari na binanggit ni Romero na naging dahilan at nag-ambag sa inaasahang pagtaas sa presyo ng gasolina ang:
- Ang tumataas na tensyon sa Gitnang Silangan matapos maglunsad ang US ng mga pag-atake laban sa mga Houthi.
- Naglabas ang Beijing ng mga hakbang sa fiscal stimulus na naglalayong mapalakas ang kanilang konsumo.
- Ipinakita ng mga datos mula sa gobyerno ng US ang pagbaba ng mga imbentaryo ng gasolina.
Inaanunsyo ng mga fuel firm ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad kinabukasan ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, March 18, natapyasan ng P0.20 per liter ang presyo ng diesel, P0.40 per liter naman sa kerosene, at walang paggalaw sa presyo ng gasolina.
Tatlong linggong sunod na nagkaroon ng rollback o hindi paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News