Halos maglaway ang isang lalaki na hindi maalis ang pagkakakanganga ng bibig matapos manigas ang kaniyang panga o mag-lockjaw dahil umano sa sobrang paghikab.
Sa video ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, mapanonood sa isang video ang pasyenteng si Rommel na nakaranas ng lockjaw at halos hindi makapagsalita.
Dahil dito, sumaklolo ang massage therapist na si Marco Alfalla, na agad pina-relax ang pasyente, pinahiga bago binanat ang panga nito.
Sa isang iglap lang dahil sa ginawa ni Alfalla, naigalaw na ni Rommel ang kaniyang panga at naisara ang kaniyang bibig.
Paliwanag ni Alfalla, ang muscle sa panga na tinatawag na lateral pterygoid ang siyang naiirita sa tuwing sosobra ng buka ng bibig ang isang tao.
Ayon pa kay Alfalla, Temporomandibular joint displacement ang tawag sa ganoong insidente.
"'Yung lockjaw niya, 'yung tinatawag na displacement ng condyle. Itutulak ko lang 'yung condyle niya, left and right. Idinidiin lang 'yun pababa. Once kasi makabalik na 'yung condyle sa tinatawag nating mandibular fossa... makakapagsalita na siya nang maayos, maisasara niya na 'yun," paliwanag ng massage therapist. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News