Aminado si BB Gandanghari na hindi sila naging malapit ng namayapa niyang kapatid na si Royette Padilla. At hindi niya naiwasang maging emosyonal nang ibahagi na hindi rin siya nakapunta sa burol at libing ng kapatid.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, hiningan ni Tito Boy ng paliwanag si BB tungkol sa nabanggit nito sa isang panayam na inilarawan niya si Royette bilang “big brother [I] never met.”
BASAHIN: Royette Padilla, pumanaw na
“Because I was never close to him. Parang hindi ko siya nakilala bilang 'yung tao na hindi kuya, kundi 'yung tao, o anong klase siyang tao," saad ni BB.
"Hindi kami nakapag-usap nang tungkol sa mga aspiration niya, frustrations niya. We never went that far,” pagbabahagi niya.
Kaya hindi maiwasan ni BB na manghinayang na sana raw ay nabigyan sila ng pagkakataon na makapagkuwentuhan nang tanungin siya kung ano ang nais niyang sabihin kay Royette.
“I wish I could... hindi ko kasi masabi ‘yung... Pero ang gusto ko sabihin is, sana magkaroon tayo ng pagkakataon na magkakwentuhan. Gusto ko siyang makakuwentuhan. Usap lang,” emosyonal na sabi ni BB.
Ibinahagi ni BB na noong panahon ng pandemya, hindi siya nakapunta nang personal sa burol at libing ng kapatid. At naging mahirap umano ito sa kaniya lalo nang sandali na naghahanap siya ng kasama sa pagdadalamhati dahil mag-isa lang siya.
“It hit me so hard kasi naka-Zoom ako habang wake and all. Hanggang libing, nandoon ako sa Zoom. And then pagkatapos noong libing... all of a sudden wala akong mayakap. Ang sakit," ani BB.
"Wala akong mahawakan. Doon ko naramdaman ‘yung, oh my God, ganito kasakit. Hindi ako nagkaroon ng proper goodbye. Hindi ko siya... up to the last minute, wala akong moment sa kaniya,” patuloy niya.
Sa naturang panayam, ibinahagi rin ni BB na maayos ang relasyon niya kina Kylie at Queenie, na mga anak ng isa pa niyang kapatid na si Robin Padilla.
Natatanggap na rin umano ni Robin ang kaniyang naging transition bilang isang babae, at "little sister" na ang turing sa kaniya ng senador na kapatid.
Ayon pa kay BB, para sa kaniya ay sina Mariel Rodriguez ang “the best” sa mga nakarelasyon ni Robin.
“Si Mariel is, I think, with all due respect sa mga naging karelasyon ni Robin, I think she is the best thing that ever happened to Robin as far as 'yung relationship is concerned. Very swak silang dalawa and she's also very loving as far as kay mama,” ani BB. -- FRJ, GMA Integrated News