Sa kaniyang mga huling sandali, nagsuka, at namilipit sa sakit ng tiyan at ulo si Anthony bago siya  binawian ng buhay. Ang hinala ng kaniyang pamilya, may kinalaman sa maaga niyang pagkawala ang labis niyang paglalaro ng online game sa cellphone.

Sa video ng FYP (For You Page) ng GMA Public Affairs, inihayag ng Angelina Gono Paler, ina ni Anthony, na hindi nakikinig ang kaniyang anak sa kaniyang mga payo.

Pero kahit pasaway umano si Anthony, sinabi ni Nanay Angelina na masakit ang mawalan ng anak na kaniyang minamahal.

Palagi umanong nakikita si Anthony na hawak ang kaniyang cellphone at walang ibang ginagawa kung hindi ang maglaro ng online game.

Kaya naman sinasabihan din ni Odeza Escoro Beloy, ang kaniyang pinsan na si Anthony na maghinay-hinay sa paglalaro.

Hanggang sa dalhin na sa ospital si Anthony dahil sa pagsama ng pakiramdam. Subalit dahil sa kawalan ng pera, iniuwi rin siya ng pamilya upang doon na lang magpagaling sa pamamagitan ng hilot.

Ngunit hindi nagbago ang kalagayan ni Anthony hanggang sa binawian na siya ng buhay.

Sa kaniyang death certificate, nakasaad na Acute Coronary Syndrome o ACS, ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.

Paliwanag ni Dr. Paul John Ablaza, adult cardiologist, ang ACS ay kondisyon na ang ugat sa puso ay panandalian o tuluyang nababarahan kaya nawawalan ng sapat na daloy ng dugo sa muscles ng puso.

Pero may kinalaman ba ang sobrang paglalaro ng online games sa pagkamatay ni Anthony?

Ayon kay Ablaza, hindi ito direktang sanhi ng pagkamatay ni Anthony.

"Isa po sa most common presentation ng ACS ay sudden cardiac death. Fifty percent ng mga pasyente na may ACS can present to suddden cardiac death," dagdag niya.

Ayon sa FYP, ang nangyari kay Anthony ay patunay na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na pahinga at tulog.-- FRJ, GMA Integrated News