Inirekomenda ng House Quad Committee (QuadComm) nitong Miyerkules na kasuhan sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, mga senador na sina Bato dela Rosa at Bong Go, at ilan pang dating opisyal dahil sa mga nangyaring patayan sa war ng drugs na ipinatupad ng nagdaang administrasyon.

Ayon kay QuadComm lead chairperson at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, nilabag nina Duterte, dela Rosa, Go ang Republic 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.

Pinakakasuhan din ng komite sina dating police chiefs Oscar Albayalde at Debold Sinas, retired Police Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo, maging si dating Palace Assistant Irmina “Muking” Espino.

“The investigation brought to light a harrowing narrative of abuse of power and institutional impunity during the Duterte administration. Witness testimonies corroborated by evidence revealed a system that incentivized the killing of suspected drug personalities: a system modeled after the so-called Davao template and replicated nationwide,” ayon kay Barbers.

“This is not merely a report of the past wrongdoings, but a call to action,” patuloy niya.

 

Isiniwalat nina Garma at Police Colonel Jovie Espenido, na may pabuyang pera sa mga pulis sa bawat mapapatay na suspek na sangkot sa ilegal na droga.

Ayon sa testimonya ni Garma sa komite, ang reward system ay kinopya umano ni Duterte sa "Davao [City] model" sa war on drugs na ipinatupad sa buong bansa nang maging pangulo ang dating alkalde ng naturang lungsod.

Inihayag din ni Garma na ang pondo para sa pabuya ay nanggagaling umano sa Palasyo sa pamamagitan nina Leonardo at Espino, na umaabot ng P20,000 hanggang P1 milyon, depende sa mapapatay na drug suspect.

Nauna nang itinanggi ng kampo ni Duterte ang alegasyon ng pabuya sa mga napapatay na drug suspect.

Nang humarap si Duterte sa magkahiwalay na pagdinig ng QuadComm at komite sa Senado, inako niya ang responsibilidad sa kampanya ng kaniyang administrasyon laban sa ilegal na droga.

Gayunman, hindi umano dapat isisi sa kaniya ang pagkamatay ng bawat suspek.

Batay sa tala ng gobyerno, umabot sa 6,200 drug suspects ang napatay sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte. Gayunman, sinasabi ng human rights groups na aabot sa 30,000 ang nasawi sa naturang kampanya ng nakaraang administrasyon.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News