Sa pamamagitan ng pagtitinda ng fishball at balut, binuhay at napag-aral ng mag-asawa ang 10 nilang mga anak. Bilang sukli naman ng magkakapatid sa sakripisyo ng kanilang mga magulang, ang dati nilang maliit at tagpi-tagping bahay, kanilang pinalaki at pinaganda.

Sa programang "Good News," inilahad ng mag-asawang Maring at Fredy Atienza, na masaya ngunit hikahos ang kanilang dating buhay sa pagtataguyod ng kanilang pamilya sa Batangas.

"Kung hindi kami magtatrabaho, wala kaming kakainin," saad ni tatay Fredy.

Sa 45 taong pagsasama bilang mag-asawa, nabiyayaan sina nanay Maring at tatay Fredy ng 10 anak.

Dahil maliit lang bahay nila, nagsisiksihan sila at kung minsan ay nakukutsa pa na mga iskuwater.

Upang hindi magutom at mapag-aral ang mga anak, nagtinda ng fishball at balut sina Maring at Fredy, na kung minsan ay inuutang nila ang puhunan.

"Minsan nanghihiram na rin ako sa aking mga kamag-anak para may puhunan ako," kuwento ni Maring.

Mayroon ding nakukuhanan ng paninda ang mag-asawa na pumapayag na utangin nila ang mga fishball, kikiam, at balut, at kinabukasan na lang nila babayaran.

Ang kinikita nila sa pagtitinda, hindi lang para sa pagkain napupunta kundi maging sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

"Tanda ko mga P350 lang, doon kukunin ang lahat. Bibili ng isang salop na bigas, pagkain, baon pa ng mga bata na tig-kakaunti," kuwento ni nanay Maring.

Bukod sa fishball at balut, nagtinda rin sila tinapay at pinasok din ang paggawa ng hollow blocks.

Mahirap man ang kanilang buhay, hindi nagreklamo ang magkakapatid. Sa halip, gumawa rin sila ng paraan upang makatulong habang nag-aaral.

"Akala ng inay Ok na ako sa ketchup [na ulam]. Kaya ko po 'yon sinasabi kasi wala po talagang maipaulam sa amin. So ketsup po parang sinasabi ko lang po na, 'inay paborito ko po ang ketchup," emosyonal na pag-alaala ng anak na si Jeniffer sa buhay nila noon.

Kuwento naman ng isa pang anak na si Ferdinand, inilalako niya sa umaga bago pumasok sa paaralan ang ginagawang tinapay ng kaniyang ama sa madaling araw.

Tanda rin ni Ferdinand ang mga panghuhusga ng iba sa kalagayan nila noon sa buhay sa kabila ng pagsisikap ng kanilang magulang na maiahon sila sa hirap.

"Sabi eh ano ang mararating sa ganoong buhay. Iyun lang daw ba ang trabaho na kayang maipakita sa anak. Masakit siya sa isang magulang at doon sa aking kapatid," sabi ni Ferdinand.

Maging ang bahay nilang maliit at tagpi-tagpi noon, pinupuna rin ng iba.

Sa kabila ng lahat ng mga puna, nagpatuloy lang sa kanilang buhay ang pamilya Atienza hanggang isa-isang nakapagtapos ng kolehiyo ang magkakapatid.

Tanging ang bunso na lang nag-aaral na third year college, at ang kaniyang mga kapatid na ang nagpaparal.

Sina nanay Maring at tatay Fredy, bukod sa pinagretiro na ng mga anak sa pagtitinda ng fishball at balut, pinagawan din ng malaking bahay ng mga anak para sa kanilang lahat na gawa sa bato.

Mula sa dating tagpi-tagping bahay na isa lang ang kuwarto, ngayon ang bahay nila, may sala, kusina, dalawang cr at pitong kuwarto, at may balkonahe pa.

"Sobrang masaya nakatira din kami sa bahay na ika nga'y bato. Ang laking binago talaga nung makapagtapos yung mga anak namin," sabi ni tatay Fredy.

Gayunman, kabilang ang bahay ng pamilya Atienza sa mga napinsala sa Batangas nang manalasa ang bagyong "Kristine." Ngunit gaya ng dati, sama-samang bumangon ang pamilya sa naturang pagsubok sa kanilang buhay.

Kaya naman labis ang pasasalamat ni tatay Fredy dahil binigyan sila ni nanay Maring ng mababait at masunuring mga anak.-- FRJ, GMA Integrated News