Hindi na lang mapagmamasdan ang mga kumukuti-kutitap na parol sa Pampanga dahil puwede na ring matikman ang makukulay na "parol" sa pamamagitan ng mga Christmas cake na gawa ng isang chef.

Sa programang "Pera Paraan," ipinakilala si Chef Fatima Esguerra Garcia, may-ari ng Love at First Bite, na mula sa San Fernando, Pampanga.

Taong 2016 nang itayo ni Chef Fatima ang kaniyang negosyong cake and pastries, at pagkaraan ng tatlong taon ay gumawa na rin siya ng seasonal na Christmas cake-- kabilang ang makulay na "parol" cake.

Ayon kay Fatima, inspirasyon niya sa paggawa ng Christmas cake ang pagiging Christmas capital ng Pampanga, at kilala rin sa pagluluto ang lalawigan.

Dahil sa makulay at kakaiba, mabenta at hitik sa order si Fatima ng mga Christmas cake sa panahon ng kapaskuhan.

At ang flavor na kaniyang napili sa paggawa ng cake, ang tsokolate de batirol.

"Pinili ko yung batirol kasi alam naman natin na sa bahay kapag nagtimpla ka ng batirol amoy Pasko," saad niya.

Bukod sa parol design, mayroon ding Santa Claus at Reindeer cakes si Fatima, at may Christmas cookies din.

Sa panahon ng Pasko umaabot sa 500 ang order ng Christmas cakes kay Fatima at makulay din ang kaniyang kita sa panahong ito na nasa five digits.

"Bilang isang negosyante kailangan maging creative and adoptive tayo lalo na ngayong Christmas. Kailangang sumabay tayo sa trend at hindi tayo mapag-iwanan," payo ni Fatima.

Tunghayan sa video kung paano gumawa ng cake, at kung papaano ginagawa ni Chef Fatima ang kaniyang parol cake. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News