Naging usap-usapan na naman sa social media kamakailan ang pagtayo ng ilang tao sa parking slot para ireserba sa kanilang sasakyan. Ang unahan sa parking slot, madalas nagiging ugat ng pagtatalo, at kung minsan ay nauuwi pa sa krimen. Ano nga ba sinasabi ng batas tungkol sa naturang usapin?
Sa isang episode ng Unang Hirit, tinalakay sa segment na #AskAttyGaby ni Atty. Gaby Concepcion, na walang batas na mula o ginawa ng Kongreso na nagbabawal sa pagtayo ng tao sa parking slot para ireserba ito sa kanilang sasakyan.
BASAHIN: Babaeng tumayo sa parking slot para ireserba, nagsisi sa kaniyang ginawa
Ang mayroon lamang batas na ginawa patungkol sa usapin ng parking na pagbabawal na pumarada ang sasakyan sa intecsection, pedestrian lane, sa tapat ng driveway at mga fire hydrant.
Maliban na lang kung may patakaran tungkol dito ang lokal na pamahalaan o ang sangay ng gobyerno tulad ng Metro Manila Development Authority sa paraan ng pagbuo ng ordinansa.
Gayunman, sinabi ni Atty. Gaby na hindi nararapat na pagreserba ng partking slot ang tao dahil ang naturang puwesto ay para sa sasakyan at hindi para sa tao.
Pinapairal din umano ang patakaran na first come-first served basis para maging maayos na pamamalakad sa parking area at maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan at maging ang aksidente.
Bagaman walang batas na galing sa Kongreso laban sa pagtayo ng tao sa parking slot upang ireserba ito, maaari namang gumawa ng ordinansa ang mga lokal na pamahalaan gaya ng ginawa ng Konseho ng Marikina.
Noong 2023, ipinatupad ng Marikina ang ordinansa na nagbabawal ang pagtayo ng tao sa parking slot saan mang lugar -- maging sa mga mall, food establishments, at iba pa-- para ireserba ang puwesto sa kanilang sasakyan.
Nakasaad sa ordinansa na ang lalabag ay may parusang multa na P1,000 o walong oras na community service.
Nitong Huwebes, inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes, na plano ng Metro Manila Council (MMC) na bumuo na ng ordinansa na paiiralin sa buong Metro Manila, na nagbabawal sa pagtayo ng tao sa parking slot upang ireserba sa kanilang bansa.
“Magco-coordinate tayo sa mga may-ari ng mga malls at yung mga private parking para ma-institutionalize din ito at mapagbawalan. Kasi kalimitan doon din nag-aagawan sa mga private parking,” ayon kay Artes. — FRJ, GMA Integrated News