Tumilapon at nagtamo ng mga sugat at bukol ang isang babae na tumatawid sa pedestrian lane matapos siyang mabundol ng isang SUV na nag-beat the red light sa Taguig City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa video footage na kuha ng isang moto vlogger na isang SUV ang nag-beat the red light umano sa Bayani Road at kumaliwa kaya nabundol ang babae na inisip na "safe" siya sa paggamit ng pedestrian lane.

Ayon sa biktima, papasok na siya sa trabaho nang mangyari ang insidente.

"Nung nag-go na yung pedestrian, siyempre ang thinking ko po noon safe na tumawid dahil go na po kami, tumawid na po ako," saad ng biktima.

Kaagad naman daw ba naharang mga traffic marshal ang SUV at tumawag din sila ng ambulansiya.

Pero hinintay pa raw na dumating ang amo ng SUV driver bago nadala sa isang pampublikong pagamutan ang biktima.

Bukod sa pananakit ng katawan, nagtamo rin ng bukol sa ulo at mga sugat ang biktima.

Matapos masuri sa ospital, nagpunta ang biktima at SUV driver sa traffic investigation uni ng Taguig City Police, at may pinapirmahan umano sa biktima na nagsasaad na sasagutin ng driver ang pagpapagamot sa kaniya at sahod sa panahon na hindi siya nakakapagtrabaho.

Pero P1,500 pa lang umano ang ibinibigay sa kaniya.

Hindi rin daw inakala ng biktima na "full settlement" na ang pinapirmahan sa kaniya at hindi na siya makapagssampa ng reklamo laban sa driver.

"Hindi namin napagtanto na yung pinapasulat na pala sa amin ay settlement pala o areglo na," ayon sa biktima.

Sinabi naman ng pulisya na patuloy silang nakikipag- ugnayan sa biktima at driver ng SUV.

Ayon kay Police Lieutenant Alberto Boado, OIC-Traffit Investigation Unit-Taguig City Police Station, puwede pa ring magsampa ng reklamo ang biktima kapag hindi nasunod ang kasunduan.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng SUV, pero base sa kaniyang salaysay sa pulisya, naalangan na siya sa gitna ng kalsada kaya pinilit na lang ituloy pagkaliwa sa daan. -- FRJ, GMA Integrated News