Nag-viral ang content ng isang first time mom nang ipakita niya ang ginawa niyang pagluto at pagkain sa sarili niyang placenta o inunan. May paniniwala kasi na nakatutulong daw ito sa recovery ng mga bagong panganak. Totoo kaya ito? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng 24-anyos na si Anya Aragon, na ibinilin niya sa duktor na itabi ang kaniyang placenta na itabi kapag lumabas na kahit hindi na hugasan.
Full support naman sa kaniya ang mister na si Chris na siya raw nag-asikaso para makuha ang inunan ng asawa na mahigpit na ipinagbilin.
Naniniwala kasi si Anya na malaki ang maitutulong ng pagkain niya ng kaniyang placenta para mapabilis ang kaniyang recovery mula sa panganganak noong Mayo.
Napanood daw ni Anya ang tungkol sa benepisyo ng pagkain ng inunan sa mga foreign celebrity, at batay sa ginawa niyang online research.
Nang makauwi ng bahay mula sa ospital matapos manganak, inihanda agad ni Anya ang kaniyang placenta para lutuin.
Nilinis daw niya ito bago lutuin, at tinimplahan na rin para magkaroon ng lasa.
Aminado naman si Anya noong una na nagkaroon siya ng pag-aalinlangan. Sinabihan din umano siya ng kaniyang duktor na huwag gawin ang kaniyang plano sa kaniyang placenta.
Pero sa huli, itinuloy pa rin niya ang pagkain ng kaniyang inunan na pinaniniwalaan niya na nakatulong naman sa kaniyang recovery sa panganganak.
Ayon sa Pinoy MD, ang placenta ay isang organ na tumutubo sa sinapupunan kapag nagbuntis ang babae.
Ito ang nagsu-supply ng sustansiya at oxygen sa sanggol habang nasa sinapupunan.
Ano naman kaya ang lasa ng placenta, at ano ang masasabi ng mga eksperto tungkol sa pagkain nito? Panoorin sa video ang buong talakayan. --FRJ, GMA Integrated News